MANILA, Philippines — Daraan sa masusing pag-aaral at titingnan ang epekto sa ekonomiya ang naipasang legislated P200 wage hike sa Kamara.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na pag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang implikasyon sa ekonomiya ng panukalang batas at kukunin ang opinyon ng wage boards para sa ikabubuti ng mga manggagawang Pilipino.
Maliban dito titingnan din aniya ang lahat ng aspeto at ang panig ng lahat ng stakeholders upang maging balanse sa panig ng mga manggagawa at mga pribadong sektor.
“Nais ng Pangulo na maibigay kung ano ang makakabuti sa mga manggagawang Pilipino, titingnan ang lahat ng aspeto ng lahat ng stakeholders,” ayon pa kay Castro.
Malayo pa aniya ang pagdaraanan ng legislated wage hike dahil iaakyat pa ito sa Senado para sa deliberasyon.
Sa pagtaya ng ilang mga analyst na hindi kakayanin ng ilang mga kumpanya ang pagbibigay ng P 200 umento sa suweldo.
Ayon kay John Paolo Rivera, Senior Research ng òòò½´«Ã½, mangangahulugan ito ng pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo ng mga kumpanya.
Idinagdag pa nito na ang ibang kumpanya ay mapipilitang magbawas ng kanilang mga mangagawa o di kaya naman ay bawasan ang oras ng trabaho ng mga ito.




